Tanzan.
April 5 2k6. 11:11 PM


May isang sasakyan na hindi umaandar. Hindi ito umaandar kasi wala pang nagpapandar. Nung bata ako, may nakita akong tanzan. Pagkatapos noon, nakakita ako ng maraming tanzan. Pagkatapos nun, nakakita ako ng mga basag na bote. Inaantok na ako. May isang kuting. Wala akong anino. Kasi walang ilaw. Kasi sira ang mga ilaw sa mga poste. Pero may ilaw pala, sa totoo lang. Yung ilaw mula sa mata ng kuting, kaso wala namang masyadong saysay yun kasi hindi sila sapat para makagawa nang anino. Nung bata ako, tumitingin ako sa langit. Nakikita ko ang mga tanzan sa kalye. Yung langit kulay itim. Itim ito kasi gabi na. Ay mali, itim ito kasi walang bituin. May mga bituin pala. Wala sigurong mga bituin kasi tinatakpan sila nang maraming ulap. Wala palang ulap. Wala palang bituin kasi may mga usok mula sa sasakyan. Inaantok parin ako, kaso ayaw kong antukin kasi wala pa ako sa bahay.


Sinusubukan kong idilat yung mata ko, kaso lang pumipikit mag-isa. Nakakainis. Tumutunog na yung sasakyan, pero hindi ito gumagalaw. Kaya yata nagtago yung bituin dahil dun sa tunog. Tatawid dapat ako nang kalye. Tapos biglang may mga anino. Yung mga anino, lahat galing sakin. May maliit, may matangkad. Yung anino likha nang headlights. Nawala lahat nang anino ko. Natabunan ito nang isang malaking anino. Ngayon, may tubig sa mata ko. Yung tanzan, hindi nasagasaan. Yung mga tanzan hindi nasagasaan. Yung mga basag na bote, hindi pa nasagasaan, pero masasagasaan sila mamaya. Ang nasagasaan, ay ngumiyaw. Yung aninong malaki, may tambucho. Yung aninong malaki, may dugo. Yung tanzan walang dugo. Hindi ako inaantok. Hindi na ako inaantok, kaso gusto ko nang antukin kahit wala pa ako sa bahay. Sinusubukan kong ipikit ang aking mga mata kaso lang dilat na dilat ito nang mag-isa. Hindi ito nakakainis. Hindi ko alam kung ano ito. Marami akong hindi alam.


Ang alam ko yung tanzan walang dugo. Pero yung anino, meron. Ang alam ko, yung pedestrian lane kulay white. Yung sasakyan kulay berde. Yung dugo, kulay pula. Yung tanzan iba-ibang kulay. Yung gulong nang sasakyan, kulay usok. Yung mga talang hindi ko nakikita sa langit, kulay dilaw. Yung langit, kulay itim. Yung anino, kulay itim din, pero mas maitim yung langit. Yung kaluluwa nung nagmamaneho, kulay itim din, pero hindi ko alam kung mas maitim yung langit kesa dito. Yung basag na bote na inapakan ng sasakyan, nakalimutan ko na yung kulay pero merong kulay ito. Yung tubig sa mata ko, walang kulay. Yung hangin na nagmula dun sa nabutas na gulong, walang kulay.


Yung katahimikan nang paligid, walang kulay. Yung kaingayan nang paligid, walang kulay. Yung katarungan, walang kulay. Yung tunog nang pagtirik nang sasakyan, at paghulog nito sa bangin walang kulay. Yung iyak nung kuting na paulit-ulit sa utak ko, walang kulay. Yung mata ko, kulay nang mga talang hindi ko nakikita. Yung mata ng patay na kuting, kulay bangkay nang isang bahaghari ginahasa at patuloy na ginagahasa. Yung tanzan, nagmumukang ewan.





[o4.o5.2k6 || Tanzan || Mithi. ] 10