.Unang Pag-Usbong ng Pangarap.
Dec 19 2k5.



Ang kwentong ito ay tungkol sa isang babae, na walang pangarap. Wala naman gaanong ekstra-ordinaryo sa babaeng ito. Siya yung tipo ng tao na dinadaan-daanan mo lang sa eskalator ng MRT kasi nagmamadali ka para mahabol mo yung tren na malamang ay hindi mo naman maaabutan. Di ka man lang lilingon kasi hindi naman siya pangit, o kagandahan.


Napaka ordinaryo nang muka nya. Yung mata nya, hindi singkit, hindi rin naman, anong tawag dun, yung parang quarter moon na nakataob. Yung ilong niya, hindi pango, hindi rin matangos. Yung buhok niya, hindi mukang walis ting-ting, hindi rin naman maayos, o magulo, walang dandruff, walang kuto, pero hindi rin naman sobrang linis. Napaka ordinaryo ng mata niya, ng ilong niya, ng buhok niya, ng buong pagkatao niya.


Hindi naman siya pam-pornstar. Hindi rin naman siya ting-ting. Hindi rin naman siya obese. Hindi siya flat-chested, hindi rin naman pakwan.


Naaawa nga ako sa kanya, hindi lang dahil ordinaryo siya pero mas lalo na kasi sinasayang niya lang ang buhay niya dahil wala siyang pangarap.


Gumigising lang siya tuwing umaga kasi nasisilaw siya ng araw. Natutulog lang siya tuwing gabi kasi inaantok siya. Siya yung kadalasang hindi naaalala nang mga guro at kaklase niya nung nag-aaral siya kasi wala gaanong puwedeng maalala. Sobrang boring kasi nang buhay niya, kaya wala masyadong matukoy tungkol sa babaeng ito. Hindi nga kasi siya ganon ka interesante.


Maliban siguro nung nasa ikatlong baitang siya, sobrang namroblema niya nang isa o dalawang buwan. Ito ay dahil pagtumitingin siya sa test paper niya, hindi siya makasagot nang maayos dahil sagabal yung ilong niya, kaya di niya gaano mabasa kaagad-agad nang mabilisan ang mga tanong. Imbis na mabasa niya ang mga tanong, nakikita niya ang kanyang ilong. Wow, tugma yun ah.


Kaya sobrang nababadtrip siya at iniiyakan niya ang Diyos, bakit raw binigyan siya ng napakalaking ilong. Hindi naglaon, siguro dahil, awa nang diyos, naawa rin sa kanya ang Diyos, nalaman niya rin ang katotohanan. Yun pala, hindi naman talaga ganun kalaki yung ilong niya, mali lang talaga yung pagkakatilt niya sa ulo niya, at para hindi siya masagabal eh dapat i-tilt niya sa mas mababang anggulo pa nang kaunti. Yun lang.


At meron pa palang isa, nung nasa ika-pitong baitang siya, una siyang dinatnan nang regla. Lagi siyang nagkakatagos noon kasi hindi niya nasusuot nang maayos yung napkin niya. Dahil dito, ninanakaw nung katulong nila dati yung mga panty niyang may tagos. Ay, hindi pala ninanakaw, hinihiram lang daw pala. Hinihiram ng katulong nila kasi pimpulin yung katulong nila.


Kung anong koneksyon, alam ko. Pero lihim ko na yun. Ambobo mo naman kung hindi mo naintindihan yung implikasyon.


Eniwey, yun dalawang yun lang siguro ang interesanteng impormasyon na mahuhugot mong naka-akibat sa kanyang pagkatao.


Amboring niya ano?


Kawawa talaga itong batang ito. Dahil bukod sa napaka-ordinaryo ng kanyang itsura, at pati narin ng mga pangyayari sa buhay niya, wala siyang naiisip na gusto niyang makamit sa kanyang munting kapirasong buhay.


Nagigising siya araw-araw nang wala siyang pangarap o hangarin. Hindi man lang niya ginusto ni minsan na sagipin ang mundo mula sa pananakop nang mga aliens o kaya naman maging susunod na bise-presidente ng Pilipinas. Hindi man lang niya hiniling na maging seksi o kaya naman magkaroon ng topdown na kotse. Sadya nga namang nakakaawa itong batang ito.


Pero dahil ito ay isang kwento at hindi naman puwedeng walang pagbabagong magaganap, dahil kung sakaling ganun nga, eh di wala nang kwento, kaya meron. At muka namang halata sayo kung anong pagbabagong mangyayari dahil pamigay ang pamagat nang kwentong ito. Kaya hindi ko na patatagalin pa.


Ikekwento ko na sa inyo kung paano umusbong sa babaeng ito ang pangarap na minsan ay wala sa kanyang puso.


Nagkasyota itong batang ito nung hy-skul pa siya.


Oo malamang magtataka ka, nagtaka rin ako eh. Ito ay sadya nga namang kataka-taka. At mas kataka-takang isipin, na kaya siya niligawan nung lalake ay dahil sa salitang “peklat”, pero siempre, ito ay iba nang kwento.


Pero nagsawa rin kaagad ang syota niya di naglaon kasi nga hindi siya interesante, kaya wala siya masyadong kwenta, at nakakasawa siyang kasama. Kaya winakasanan nung syota niya yung kanilang relasyon.


At yung bida naman nang ating kwento, walang naramdaman.


Sabi niya, Ok, cool.


Cool. Parang kapag summer tapos nag-init ka nang tubig at binuhos mo sa katawan mo. Cool.


Pero matapos ang ilang linggo, nakita niyang may kasamang ibang babae ang kanyang ex- syota. Naramdaman niyang linuray-luray ang kanyang puso, pero nakalimutan niya kung anong ibig sabihin nun.


Tapos umiyak siya. Pero nakalimutan niya rin kung anong ibig sabihin nun.


Tapos, nang umiyak siya, naramdaman niya yung tibok nampuso niya, kahit na hindi niya ito marinig. Dug dug, dug dug, dug dug.


Tapos parang ang cool-cool. Parang pag sinubsob mo yung muka mo sa apoy. Cool.


Tapos sa sobrang “cool” akala niya, muli na siyang umiibig. Pero, siempre walang tao sa paligid kaya imposible yun.


May dumaan nga lang na aso sa paligid nun, pero sa palagay ko hindi naman yung aso yung rason sa nasasabing pangyayari.


Tapos naisip niya, ang isang pagkakataon, isang ala-alang nakatago sa kasuluk-sulukan ng utak niya.


Yung bes pren niya nung elem, na tinanong sa kanya.”anong itsura nang prince charming mo?”


Tapos wala siyang nasagot noon.


Tapos biglaang dinalaw siya ng sobrang kasayahan.


Alam niya na yung sagot dun sa tanong nang bes pren niya nung elem.


Anong itsura nang prince charming niya?


Muka itong malaking tibok nang puso.


Anong itsura nun? Di ko rin alam eh. Hindi ko alam, hindi rin alam nang tatay at nanay ko. At lalong hindi rin alam nang aso namin yun. Kung alam nang Diyos kung anong itsura ng tibok nang puso, aywan ko lang. Pero sa palagay ko ni ang Diyos hindi alam yun. Badtrip.


Pero yun yung itsura nang prince charming niya.


At lalakbayin niya ang bawat sulok ng kalawakan para mahanap siya, at pakasalan siya.


Yun ang kanyang naging pangarap. Mahanap ang prince charming niyang mukang puso nang tibok. Ay mali, tibok nang puso pala.


Tapos, ngumiti siya. At natulog. Habang natutulog nga siya nakangiti parin eh. At kahit na nung gumising siya at kumain ng agahan nakangiti parin siya eh. Dahil dito, ngayon napalingon niya na ang mga taong tumatakbo sa eskalator nang MRTpara habulin yung tren na alam naman nila at ng lahat nang tao sa mundo, na hindi naman nila kayang abutan. Kahit na ako napapalingon niya na eh. Kahit yun nanay, saka yung tatay ko. Saka yung aso ko eh. Aywan ko lang kung pati ang Diyos napapalingon niya na, pero sa palagay ko, oo.


[12.19.2k5 || Unang Pag-usbong ng Pangarap || Mithi. ] 9