Masarap Maglaba Paghating-Gabi.
11.26.O4.


Masarap pala ang ihip ng hangin kapag hating-gabi. Ay pak, buti nalang may dala pa akong posporo. Sino ba naman kasing tanga ang maglalagay ng kandila malapit sa batsa diba? Ang init ng apoy, parang nagmamahal. Ipangalan ko kaya sa magiging anak ko Apoy? Astig. Sayang nga lang at hindi siya ang magiging ama ng magiging anak ko katulad ng pinangarap ko noon. Kasalanan niya rin naman eh. Saka wala naman atang pangarap na natutupad eh, maliban siempre sa pelikula. Pelikula yun eh. Parang sa snowayt. Sabi niya sakin dati hindi niya ako ipagpapalit kahit may babae pang kasinganda ni Snowayt so totoong buhay. Pero kung sa bagay, sinabi rin naman ni Nanay na mahal niya si itay noon. Pag si Nanay ang naiisip ko, naalala ko ang luto niya. Sarap kasi. Asar, at hindi ako nakapaghapunan kanina dahil lintek naman kasi itong damit nato. Ano nga bang mas mabisa Tide o Surf? Eh pula parin ito hanggang ngayon. Sandali... phew. Akala ko may taong paparating, daga lang pala. Kasalanan rin naman niya at hindi niya pala ako minahal. Kasalanan ko ba't naging tao akong may damdamin? Hindi ko naman ginusto yun eh.


Buti nalang may tubig pa sa gripo kahit madaling araw na. Kinukurakot kasi ng gobyerno ang pera ng bayan eh. Kasi kung hindi mawawala sa isip ng mga pilipino ang alala baka kumapos ang tubig kung kelan kailangan na kailangan nila ito. Pare pareho lang naman ang mga bagay dito sa tinatawag nating mundo, maski gobyerno pa man yan, o ako, o siya, o kahit si Nanay. Hindi naman siguro mapapansin ni nanay na wala parin ako hanggang ngayon. Dahil malamang nakasarado ang pinto noon para magkaroon kami ng bagong sapatos. Nakakatawa isipin na kasing rami nang pumapasok na di kilalang lalaki sa bahay naming hindi na bumabalik ulit ang dami ng sapatos ni Nanay. Bakit kaya lagi kaming may bagong sapatos pero may tulo parin galing sa bubong pag umuulan?


Nakakapagod magkusot. Napapagod rin kaya ang mga sapatos pag ginagamit mo ito araw araw kaya kailangan madami iyon? Ang pinaka paborito kong sapatos ni nanay eh yung may rosas sa gitna. Rosas. Hay ang gago talaga niya, grrr, ginawa niya akong tanga simula pa nung binigyan niya ako ng tatlong rosas at sinabi niya yung tatlong matatamis na salita sakin. Kasing tamis nung tsokolateng kasama noon. Tsokolate. Mmm. Syet nagugutom na talaga ako. Sinigang kaya kanina ang ulam o adobo? Ay naku! Nakalimutan kong hugasan yung kutsilyo sa kusina. Pero ayos lang, hindi naman siguro alam ni nanay ang pagkakaiba noon sa dugo ng baboy. At malamang wala siyang pakialam. Malamang. Si tatay nga eh.


Saka sana walang dumikit na natirang balat dun. Masakit na ang braso ko, tangina talaga ang patalastas, sa sampung kusot lang daw. Nililinlang nila ang mga tao, at ang tao, nagpapalinlang naman. Wala bang nakasulat sa kunstitusyon tungkol sa pagsisinungaling at pangloloko? Sabagay, wala namang sumusunod sa batas eh. Sa bayang tulad nito, ang batas ay nariyan para kunwari may sumusunod nito. Sayang din yun t-shirt na binigay ko sa kanya nung ikalawang monthsary namin. Ako rin pala mismo ang pupunit. Pinambili ko nalang sana nang Jolly Poppers sa Mdo at nabusog pa ako. Hukayin ko ulit kaya't iulam ko ilong niya? Masarap daw ang ilong ng manloloko eh, sabi ni Inay dati, pero kung sa bagay sinabi rin naman ni Erap na papaunlarin niya ang bayan kaya binoto siya ni itay. Sana hindi nalang sinumbong ni Ate yung mga ginawa sa kanya ni itay at makapagpatulong ako sa kay itay ngayon, expert sa paglalaba yun eh. Pero ayos lang, atleast nakatipid pa ako sa pambili nang pulang pintura para sa science project ko noon. Saka sabi rin ni kuya wala daw kasing sarap yung niluto ni nanay na atay noon. Argh. Pati balikat ko namamanhid na, magpapahinga muna ako. Ang gaspang na nang kamay ko, dapat pala ninakaw ko sa tindahan eh yung Perla nalang. Banayad sa kamay. Kuno.


Ang ganda ng buwan. Parang mapayapa. Lahat ba ng pinapatay nagiging mapayapa? Ewan. Kasing bilog ng buwan itong mga bula sa batsa. Mas maraming bula ang Tide kesa sa Surf. Pero hanggang bula lang pala sila, ang laki parin ng mantsa nitong blouse ko, ano nalang susuutin ko buka.? Kailangan ko ata nang himala para paputiin ito ulit. Kulay pink na eh. Turo sakin puti daw ang langit. Nasa langit kaya si Tatay ngayon? Kamusta na kaya siya? Sayang at hindi ko na siya makakasama ulit kung gayon. Mababaw kasi ang galit ko. Paano kaya kunng masyado mababaw yung hinukay kung butas at mahanap yon? Ano kaya kung tadtarin ko nalang sya tapos itapon ko sa iba't ibang lugar katulad ng ginawa ni itay dun sa bilanggo nun pulis pa sya? O kaya naman sunugin ko nalang ang laman at ibigay kay bantay yung buto katulad ng ginawa ni kuya sa manliligaw ni ate? Naku, sumisikat na ang araw, hindi parin naalis ang dugo sa blouse ko. Pano kung mahalatang hindi siya pumasok ngayon? Pero kunsabagay wala namang nakahalata na hindi pintura yung ginamit ko sa project ko noon eh. Masarap rin pala ang ihip nang hangin kapag madaling araw.


[11.26.2k4 || Masarap Maglaba paghating-gabi|| Mithi. ] 7.5


MasarapMaglabapaghatinggabi.htm