.Isang Kuwento ng Pag-ibig II..
Shulamith Sevilla 3-Sr 09.28.05



Hindi na bale kung ano ang pangalan ko. Hindi na bale kung sino ako at kung ano ba talaga ang pakay ko. Dina bale kung bakit ito nandito.


Basta tungkol ito sa isang pangyayaring hindi nangyari. Kasi meron talagang mga pangyayari na hindi talaga nangyari pero dapat pagusapan.


Siguro aakalain mo na sisimulan ko ang ang kwentong ito noong kinalmot ako nang pusa. Tapos sinabi ko sayo na napaso ako ng rice cooker. Pero siempre, hindi ka naman naniwala dun dahil hindi ka naman tanga, kaya sinabi ko rin sayo yung “malagim na katotohanan”.


Pero siempre rin ay mali ka, dahil hindi ito magsisimula dun. Magsisimula ito noong nagising ako isang umaga dahil ang pangit ng lasa ng laway ko. Kaya pumunta ako sa banyo para magsipilyo, tapos NAPASIGAW ako. Napasigaw ako kasi imbis na Colgate ang nilagay ko sa toothbrush ko, SHAMPOO.


Takte, sobrang badtrip yung araw na iyon, pero ayos lang. Ayos lang kasi nginitian mo ako. Kahit na nadapa ako sa harap ng maraming tao sa sandaling nasulyapan ko ang iyong ngiti, ayos lang. At kahit na pinagalitan na naman ako nang nanay ko dahil madaling araw na kung umuwi ako sa bahay namin o kaya kahit na kung hindi naman ako makauwi eh mas masahol pa yung ingay ng busina ng kotseng di ginustong sagasaan ako sa kalye, ayos lang.


Isang ngiti mula sayo ay tatlong linggong di ka mawawala sa kapirasong karne sa loob ng aking bungong minsa’y tinawag kong utak. Kung utak nga iyon, ay hindi ko alam. Kasi kung utak nga iyon ay sana’y ito’y nagamit ko nung mga sandaling pinaka-kinailangan ko siya. Nung mga sandaling naisipan mong iwan ako.


Makalipas ang marami-raming araw, may isang asong kalyeng gutom at tumatakbo dahil hinahabol siya ng kotse. Tapos tatanga-tanga siya kaya naumpog siya sa isang basurahan. Tapos kinalkal niya yung basurahan kasi nga gutom siya at may nahulog na kapirasong lukot na papel. Para doon sa aso, malamang isa lang iyon sa milyong-milyong lukot na papel na kanyang nahagilap sa daang-daang basurahang nakalkal niya sa loob ng ng iilang walang kwentang taon nang kanyang iisang walang kwentang buhay. Subalit para sa akin, ang kapirasong papel na iyon ang nagdadala ng pinaka ingat-ingatan kong lihim. Yung lihim na walang makakapansin, o kung meron man, kakaunting porsyento lamang. Yung lihim ng aking mga lihim. Yung mas lihim pa kesa sa lihim na nagtataglay ng kahulugan nating dalawa. Yung mas lihim pa sa lihim na nagbibigay kabuluhan sa aking lahat-lahat. Yung pinaka malalim na lihim ng aking kaluluwa at puso. At ang lihim na iyon ay-


Ay teka, pano nga pala napunta ang lukot na papel dun sa asong ulol.?


Ginamit kasi ito nang kapatid kong babae. Pinampunas niya sa puwet niya nung minsa’y tumae siya at wala siyang mahanap na tissue paper. Yun lang kasi yung nahanap niya sa banyo noon e. Pinampunas niya sa puwet niya at tinapon sa basurahan at ang naturang basurahan na iyon ay nasa labas ng bahay namin at ito’y kinakalkal sa kasalukuyan nung askal. Oo, alam nang aking kapatid ang papel na iyon ay akin, at na sagrado yung papel na iyon. Pero maliban sa dahil nagmamadali siya at desperado siya sapagkat ayaw niyang pahintayin yung bago niyang crush noon sa telepono, dahil narin galit siya sakin at gusto niyang makaganti.


Bakit galit sakin ang kapatid ko.? Kasi sinisisi niya ako kung bakit sila nagbreak nang boypren niya.


Ganito kasi yung nangyari:


Isang araw, ang kapal-kapal nang inilagay ng kapatid kong face powder sa balat niya.


Tapos sabi sa kanya nung lalaki:
“Puta, muka ka nang puta, ang peke na ng muka mo”.


At siempre, sabi nung kapatid ko:
“Break na tayo.!” Sabay iyak sa isang tabi.


Pero pagkatapos ng isang minuto.. o sige na nga mga dalawa.. nakasulyap ng isang guwapo at nakalimutan ang paghihinagpis. Tangina.! Kung sana ganun nga lang yun kadali.


Nung naghiwalay tayo, ilang araw ko ring nilunod ang luha ko sa ingay nang mga kunsyertong pinupuntahan ko pag-gabi. Sinisiksik ko ang sarili ko sa pagitan ng pawis at alingasaw ng mga nagpapanggap na rakista, mga “rakistang” sadyang pawang mga mababahong ungas na ang tanging saysay lamang sa mundo ay maging pabigat sa lipunan. Doon ko binubuhos ang luha ko sapagkat ayaw kong magmukang mahina. Lalaki ako eh. Tinatago ng musika ang aking iyak.


Dibale nang bulyaw ang abot ko sa aking ina pag-uwi ko ng madaling araw o sa ilang pagkakataon, dibale nang bulyaw at busina ang abot ko mula sa mga kotseng hinaharangan ko tuwing tinatamad na akong umuwi kaya natulog nalang ako sa kalye.


At pag-araw naman ay hindi ko matagalan ang katotohanang hindi ka na akin, at na ako’y mag-isa kaharap ng itim na pisara, mag-isa kahit na kasama ko ang bente-nwebeng tamad at walang kamuwang-muwang na studyanteng katulad kong sinasayang ang pera nang bayan. Simula nang iniwan mo ako, nawalan na ako nang ganang mag-aral. Simula nang iniwan mo ako, nawalan na ako nang ganang magmahal nang kahit aling bagay dito sa walang kakwenta-kwentang pang araw-araw na spasyo’t oras na mas kilala sa tawag na buhay. Iisa lamang ang naging liban dito. Minahal ko parin ang musika ng pagmamahal na may timbang na kapantay ng timbang ng pinangarap kong pagmamahal mo sakin. At mahal ko parin ang musika, lalo na ang musika ng gitara ko, ng higit pa sa ngiti mo sakin noon na nagdulot ng aking pagsemplang. Oo, minahal ko ang musika ng higit pa sa pagmamahal ko sa lukot na papel na kinakalkal ng asong ulol ngayon.


Pero.. hindi ka ba nagtataka kung bakit ako ang sinisi ng kapatid kong babae sa paghiwalay nila nang boypren niya gayong siya naman ang nagpahid ng face powder sa sarili niyang muka.?


Kaya naman kasi sobrang dami nang nilapat niyang face powder eh kasi sinusubukan niyang itago yung malalaki niyang tagyawat. Eh kasi naman kasi, minsa’y nagkatagyawat yung kapatid ko. Nilagay niya yung Panoxyl sa muka niya tapos mas lalong lumaki at dumami yung tagyawat niya.


Ang kaso ko naman ay ako kasi yung nagbigay nung Panoxyl sa kanya.


Nakakatuwa ngang isipin na binili ko yung naturang Panoxyl mula sa klinika ng eskwela kung saan tayo’y unang nagkausap. Nasa klinika ka kasi humuhingi ka nang libreng Biogesic kasi may hang-over ka dun sa inuman niyo nung nakaraang gabi. At ako naman ay nandun kasi ipapagamot ko yung sugat ko.


Sabi mo sa akin:
“Saan galing yung sugat mo.”


At ang sabi ko naman:
“Napaso ako ng rice cooker.”


“Hindi naman ako ganun ka tanga. Nagtatanong ako nang matino, sagutin mo naman ng matino.”


“Sorry, ang suplada mo naman.. kinalmot ako nampusa.”


“Langya ka.! Nandamay ka pa nampusa.! Eh ang bait-bait ng mga pusa.!”


“Hindi sila mababait.! Nananahimik yung gitara ko sa tabi tapos ginawang scratching post at tinaihan pa namputa.! Pinalo ko, at ito ang dinulot.! Leche kung mabait yun parang sinabi mo narin na mabait ang demonyo.!”


Natawa ka naman.


“Gitarista ka rin pala. Ako nga pala si ****. Ikaw.?


“*****”


“Ah, ang ganda naman nag pangalan mo. Sorry kung medyo antipatika ako sayo kanina. Sakit kasi nang ulo ko eh.. Naiintindihan ko.. Hehe. Sobrang mahal ko rin ang gitara ko, kunin mo na ang paa ko, o kahit anong parte nang katawan ko (maliban sa kamay ko siempre) wag mo lang kunin ang gitara ko. Gitarista rin ako.. gitarista ako nang bandang ****. Pero malamang hindi mo alam yun kasi nagsisimula palang kami, kaya di pa ganun kasikat. Hehe. Nag-iipon nga ako kasi gusto ko bumili ng Gibson Les Paul. Uy nga pala, alam mo ba na binebenta raw yung gitara ni Steve Vai sa subastahan.!”


“Dream guitar mo.? Ako Strato Caster. Haha. Ewan. Di ko masyado gusto si Steve Vai.. di ko nararamdaman yung emosyon ng tao sa musika niya. Adik naman yun eh 6-8 hours a day daw nagpapraktis nung bata siya.?”


“Oo nga eh.! Hindi raw mabitawan yung gitara, kahit daw pagkumakain ng almusal bitbit-bitbit niya eh.!”


Natawa ako.


“Pagtumatae kaya siya, tumutugtog parin siya.?”


Natawa ka rin.


Pinag-usapan natin kung kahit sa pagtae niya ay tumutugtog siya, at kung, malay mo, ang pag-ere niya kaya sa banyo ang naging dulot ng kanyang mga nakakabilib at kagilagilalas na techniques at kagalingan niya sa gitara. O kaya naman kung nakikipagsex siya sa syota niya eh katabi niya parin ang gitara niya sa kama. Napangiti ka sa salitang “sex”.


Siempre, inisip ko kung anong kangiti-ngiti sa salitang yun, pero di ko ito naisip nang matagal. Kasi nabulabog ang pag-iisip ko ng ngiti mo. Kabigha-bighani. Nakakatuwa ang ngiti mo. Buti nalang hindi ako naglalakad kaya hindi ako nasemplang.


At masaya tayo. Naging masaya rin tayo nung naging tayo. Pinupuntahan ko ang lahat ng kunsyerto mo. Natuto pa akong umakyat ng poste para masilayan ka. At nalaglag narin ako nang poste dahil dun. Kahit na bukol-bukol ang ulo ko, hindi masakit.


Kaya medyo hindi ko maintindihan ng sobra kung bakit mo binasag ang ating relasyon porket tinanggihan lang kita minsan. Nung ayaw kitang halikan nung minsa’y nagyaya ka. Tingin mo ba hindi kita ganun ka mahal.? Akala ko ba hindi ka tanga.? Pasensya na kung bigla akong tumahimik at hindi kita nasagot nung tinanong mo kung bakit ayaw kitang halikan. Pero para sakin katangahan parin na iniwan mo ako nang dahil sa aking katahimikan.


May tatlong IR na ako ngayon. Tatlong offense na. Dahil nawalan na ako nang gana mag-aral eh nagdodrowing nalang ako ng iba’t ibang gitara sa lamesa ko pati narin sa mga dingding ng mga cr sa paaralan. Kaya nakasuhan ako. At nakasuhan ulit, at isa pa at isa pa. Natatawa ako pag pinapagalitan ako nang administrasyon. Akala nila naiirita ako at nababanas, pero ang hindi nila alam ay sa bawat segundong nagsesermon sila ay ako ang pinaka masayang tao sa buong mundo.


Kasi sa mga sandaling iyon lamang ikaw nawawaglit sa utak ko. Tuwang-tuwa ako dahil imbis na malungkot ako sa kaiisip sayo ay nasisindak ako sa tunog nang mga salita nila sa Disciplinary Division Committee. Sapagkat akala nila ay pinaparusahan nila ako. Pero ang totoo, para sa akin ito ay biyaya. Mga hung-hang. Dibale nang masipa ako, ang importante ay makalimutan kita. Warning narin ako sa attendance ko. Kasi sa halip na pumasok ako e dumederetso nalang ako sa bubong nang eskwela kung saan maaliwalas, tahimik, at masarap magitara. Wala na akong ginawa kundi magitara. Kasi ito na lamang ang tanging nagpapasaya sakin simula nang iniwan mo ako.


Putangina, ito ang ginawa mo sakin. Bumabagsak ako nang dahil sayo. Masisipa na ako ng dahil sayo. Nasasayang ang pera nang bayan ng dahil sayo. Oo, sinisisi kita.


Isa yan sa mga lihim ko pero, hindi yan ang nakasulat sa kapirasong lukot na papel na minsa’y pinahid nang kapatid ko sa puwet niya at ngayo’y kakahulog lang mula sa basurahang kinakalkal nang aso.


Siguro nagtataka ka na talaga ngayon kung anong nakasulat dun, pero hindi ba mas kataka-taka kung bakit nasa banyo yung papel ko noon.?


Ito ay dahil ang opisyal tambayan ko na ngayon ay ang banyo. Dun, masarap mag-isip. Minsan iniisip ko kung bakit ka napangiti nung binanggit ko ang salitang “sex”, minsan iniisip ko yung buong araw ng walang hinto, kasi hindi na nabubulabog ang pag-iisip ko, kasi, duh, di ko nakikita ang ngiti mo dun sa banyo. Kasi, duh, wala ka naman dun. At kahit na nandun ka man, di mo rin naman ako ngingitian. Hindi mo na ako nginingitian.


At kung minsan naman, di nako nagiisip. Umuupo lang ako sa inidoro (nakababa yung cover ha), at dinadamdam ko yung mga sakit nang bukol-bukol ko sa ulo na sinanhi ng paglaglag ko sa mga posteng sinabi ko kanina. Oo, masakit siya. Masakit, kahit na kakaunting bakas nalang ang natira. Mas masakit siya kaysa sa nung sariwa at duguan pa ito, at ang sakit na ito ang nagbibigay sakin nang ginhawa. Dahil sa pagramdam ko nang hapding ito ang nagwawalay sakin mula sa pagramdam ko nitong hapdi ng aking puso. Kunwari.


Takte, ang sarap talaga tumambay sa banyo.


Masarap tumambay sa banyo dahil nagsinungaling ako. Nabubulabog parin ako nang mga ngiti mong matagal ko nang inaasam-asam, ngunit, matagal ko nang hindi nasusulyapan. At ang mga bukol-bukol ko sa ulo ay matagal ng nawala, ni bakas walang natira, pero gusto ko paring isipin na merong natira kahit kaunti.


Masarap tumambay sa banyo dahil naalala kita. Dahil naalala kita at nung sariwa pa ang ating pagsasama (kaya masaya pa) tuwing naaalala ko yung una nating pag-uusap na tungkol sa tyeorya ng pagigitara ni Steve Vai habang tumatae.


Pero siempre hindi ako nagigitara habang tumatae. Masyado nang malala yoon.


Sabi mo kunin na sayo ang lahat basta’t wag lang ang gitara mo, eh bakit di mo ako payagang angkinin muli ang puso mo?


Malamang aakalain mo na tatapusin ko ang kuwentong ito sa pamamagitan nang pagpapahayag kung ano yung lihim na nakasulat dun sa lukot na papel na minsa’y pinahid nang kapatid ko sa puwet niya na ngayo’y kinakalkal ng asong ulol mula sa basurahan sa tapat nang bahay namin. At siempre, mali ka. Dahil kung anong nakasulat dun sa naturang papel na iyon ay hindi mo kailanman malalaman. Asa ka.


Pero sasabihin ko sayo ngayon kung bakit ayaw kitang halikan. Kasi nga nung araw na iyon imbis na toothpaste ang pinansipilyo ko ay Creamsilk. At MAPAIT ang CREAMSILK. At hindi madaling matanggal ang pait kahit ilang beses ka pa magmumog. Kaya tangina!, kung hinalikan mo ako ay mapapaitan ka rin. Powta. Takte. Iniwan mo ako nang dahil lang naisip ko na di mo gustong makatikim ng Creamsilk. Inisip ko lang naman kung anong makakapagpabuti sa kalagayan mo. Iniisip ko lang naman ang kapakanan mo. Natural lang yun kasi mahal kita. Mahal kita, tangina mo.


At gusto ko lang din sabihin na nagsinungaling ako noon pa man. Ang “malagim na katotohanan” ay hindi ang katotohanan. Hindi talaga ako kinalmot ng pusa. Sinugatan ko ang sarili ko para lang magkaroon ng rasong pumunta sa klinika at magkaroon ng pagkakataong makausap ka. At makasama ka.


Dahil alam kong lagi kang pumupunta sa klinika dahil laging masakit ang ulo mo dahil lagi kang nakikipag-inuman simula nang iniwan ka ng syota mong ngayon ay nakipagbalikan na naman muli sa kapatid kong babaeng hiniwalayan siya kamakailan lang ng dahil sa face powder.


Oo. Langya ako.! Nandamay pa ako nampusa.! Eh ang bait-bait ng mga pusa.!


Oo. Hindi talaga ako kinalmot nampusa. Uto-uto.


Kasi meron talagang mga pangyayaring nangyayari pero hindi dapat pinag-uusapan. Ang pangalan ko ay *****. Ang pakay ko ay ipaintindi sayo. Para sa iyo ito, at nandito ito nang dahil sayo.


Parang sinabi mo narin na mabait ang demonyo.!


At ngayon, katabi parin nung asong kalye ang lukot na papel. Naabutan na siya nung kotseng humahabol sa kanya. Sa kotseng ito pala ikaw ang nagmamaneho, at nakasakay kasama mo ang mga kabarkada mo. Mag-iinuman nanaman kayo. Sinagasaan mo yung lukot na papel nang hindi mo namamalayan. Kinuha nang mga BI mong “kaibigan” yung askal kasi, duh, balak niyong gawing pulutan.


Napunit yung papel nung nasagasaan mo. Yung papel na pinangpahid ng kapatid ko sa puwet niya. Yung papel na minsa’y pinaglagyan ko ng aking puso’t kaluluwa. Nung lihim ng aking mga lihim. Oo, napunit mo nung sinagasaan mo. Tapos biglang umulan.


Wakas.


(Pero kung gusto mo talaga makita kung anong nakasulat dun sa lukot na papel, MAGHOVER KA DITO)


[o9.28.2k5 || Isang Kwento ng Pag-ibig II|| Mithi. ] 10