Isang Loner ka sa Pisay.
O4.O4.O4 NASAPISAYKA.HTML


Ikaw ay nasa PISAY. Sa Agham Road. Sa harap ng mga squatters. Ikaw ay isang tao. At ang taong ikaw ay isang estudiante sa paaralang ito. Pero hindi naman talaga yoon mahalaga.


Ang gate 1 ay isang tarangkahan na hindi binubuksan. Minsan naiisip mo kung bakit ginawang tarangkahan pa imbis na pader, kung hindi naman binubuksan. Pero sa totoo lang wala ka talagang pakialam. Pagpasok mo sa gate 2 makikita mo ang flag pole area at liliko ka pakaliwa. Sa harap mo ay ang puting (Styrofoam ata, nakz, high budget) mga letrang bumubuo ng salitang " PHILIPINE SCIENCE HIGH SCHOOL" at ang mga estudianteng naka checkered na kulay taeng mga palda at mga pantalong kulay karimlan. Ang iba ay nakikipagchismisan, ang iba naman ay nag aaral sa longtest nila sa Econ kahit na alam naman nilang babagsak rin naman sila, at ang iba naman ay nakatunganga lamang sa hangin. Siguro dahil nga na-singko sila sa Econ. Pero wala kang paki-alam sa kanila.


Naglalakad ka ngayon patungo sa harapan mo, at ito ay isang orasang hindi gumagana. Sa tabi mo ay ang mga mesa't upuan at mga basurahang luntian at bughaw na nakasulat ay "biodegradable" at "non-biodegradable". Ngunit sa loob nito ay sadyang pinaghalo nabubulok at hindi nabubulok na basura. Dahil hindi naman talaga ito nilikha para sundin. Dahil sa mundong ito, wala naman talagang nilikha para sundin. Nadadaanan mo rin ang mga pader at mga upuan na nakasulat ax2 + bx + c= y2 o di kaya’y I HATE VANDALISM o kaya’y sinx +cosy = tan (arctan x)!n semilunar atrioventricular valves of capillaries o mga kung ano ano pang walang katuturan. Ngunit wala ka namang pakialam dito.


Napatigil ka sa harap ng orasan. Ang warning bell ay tumunog na. Dali-daling lumuwas ang mga babaeng nag-aayos sa banyo at ang mga lalaki sa basketbol court at pati narin ang mga iba pa papunta kung saan-saan. Ang iba ay sa ASTB na iyong nasa kanan, dahil Tech Prep, Earth Sci, Compsci o ano pa man na nila. Habang ang iba naman ay papuntang MPG na nasa kaliwa mo dahil PE nila. Subalit karamihan ay nagdagsaan sa apat na palapag na SHB na iyong nasa harap. Biglang lumakas ang hangin. Pero sa totoo lang, wala ka naman talagang paki alam tungkol diyan.


Tumunog na ang final bell, at mapayapa na ang lahat. Pero akala mo lang iyon. Tahimik. Miyerkules ngayon. Wala kayong subject sa first period. Alam mong sa Railings nandoon nanaman nakatambay ang kunwa-kunwariang crush mo. At alam mong ang bente-syam mong kaklase ay nasa Caf, kumakain, bumibili, nagpapalibre o tumatambay lamang. Pero hindi ka gutom. At wala ka namang pakialam sa mga yoon.


Kumanan ka, nasa pananaw mo ang mabahong creek, at tumungo ka paroon. Kumaliwa ka papunta sa likod ng ASTB, maaliwalas doon. Sariwa. Presko. Naririnig mo ang mga huni ng ibon. Pati narin ang mga pagaspas ng mga dahon. Ang sarap ng pakiramdam. Ika'y magisa. Umupo ka. At ipinikit mo ang iyong mga mata. Ngunit wala ka naman talagang pakialam doon.


Ikaw ay nasa PISAY. Sa Agham Road. Sa harap ng mga squatters. Ikaw ay isang tao. At ang taong ikaw ay isang estudiante sa paaralang ito. Pero hindi naman talaga yoon mahalaga.


[o4.o4.2k4 || Isa kang Loner sa Pisay|| Mithi. ] 8.5