.Ang Huling Palanca.
9jan2k7 || 12:26 AM






Sa totoo lang, hindi ko naman binalak na gawan ka ng palanca. Hindi ko maintindihan nun kung anong dinadasal mo, kasi nga umiiyak ako. Sinusulat ko ito, kasi gusto ko ipaalam sayo kung ano yung naging epekto mo sa akin. Sasabihin ko sayo kumbakit, gusto ko man ibalik ang dati nating pagkakaibigan, hindi ko na talaga kaya.


Nung elementary ako, tahimik ako nun, at muka akong timang. Wala akong kunsepto ng kaibigan, hindi ako nag-aaral, pumapasok ako sa eskuwela ng hindi nagsusuklay/naliligo/ nagsisipilyo. Pumapasok ako sa eskuela na ang suot ko ay malaking t-shirt (abot tuhod) at kadalasan may butas sa may kili-kili. Ang gusto ko lang gawin non, ay manood ng ghostfighter at magtex. Nung elementary ako, wala akong pakialam sa mundo sa paligid ko.


Hindi ko alam kumbakit bigla akong nagbago. Pagtungtong ko sa hayskul, instant celebrity ako. Bigla akong sumikat ng hindi ko naman hinihingi. Lumaki ang ulo ko, umangas at kahit hindi ko aminin, sobrang gusto ko ako ang pinaka magaling sa lahat ng bagay. Bigla akong naging elistista. Lagi akong nagbibitaw ng mga salitang hindi ko naman alam ang ibig sabihin. Muka tuloy akong may paninindigan. Pero yung pag-puri lang ng tao ang tangi kong kasiyahan. Pinipilit ko mag-aral, kahit hindi naman ako sanay, kasi ang sarap-sarap ng pakiramdam na pakiramdam mo ikaw ang pinaka matalino sa mundo. Hindi ko naman gusto ang ginagawa ko, ginagawa ko lang kasi ma-pride akong uri ng nilalang.


Pero kahit ganun ako, mababa ang respeto ko sa sarili ko. Lahat ng lalaking nagkakagusto sakin, nilalayuan ko kasi pakiramdam ko pagnakilala nila ang tunay na ako, matuturn-off lang sila. Makikita nila na sa likod ng maskara, hindi naman talaga ako maganda.


Nung second year, masaya ako. Lahat crazy at reckless, wala akong kuntrol sa mga galaw ko, pero ayos lang. Lagi rin tayo nagkakausap nun, pero wala naman talaga akong pagtingin sayo. Parang isa ka lang sa mga lalaki diyan. Sobrang masaya kasi malakas ang trip ko, lahat ng bagay kaya kong pagtawanan. Wala akong hiya, lahat ng tao, kaya kong kausapin, o lampasuhin. Masarap manggago. Sarili ko lang ang iniisip ko. At kahit na hindi ko ginagawa ako best ko sa studies, mataas parin ako. Pero hindi ako masaya don kasi gusto ako ang pinaka mataas. Pero siempre hindi ko to inaamin. Siguro masyado ako nagumon sa pinagbabawal. Naadik ako sa mga bagay na puwedeng ipagmayabang, kahit na wala akong balak magyabang. Yun lang ang tanging silbe ng buhay ko. Nung inukit ko yung pangalan mo sa kamay ko, wala lang yun. Nagpapanggap lang ako na dahil yun sa pag-ibig, pero ginawa ko lang yon kasi para sakin iyon ay astig. Ganun eh, mababaw lang talaga ako na nagpapanggap na malalim.


Pero nung concert na iyon, naisip ko na ikaw ang lalaking gusto kong makasama.


Lagi na kitang nakakausap. At tuwing nakaka-usap kita, mas lalong bumababa tingin ko sa sarili ko. Pakiramdam ko hindi ako ganun ka ganda. Pakiramdam ko, dahil lagi mong kinekwento ang sarili mo, mas nakikilala kita. Dahil mas nakikilala kita, mas lalo akong naguguluhan kung kilala ko ba ang sarili ko o hindi. Kaya pagka-usap kita, hindi ako nagsasalita. Hindi dahil wala akong masabi, kung hindi dahil nag-iisip ako. Minsan nga naiisip ko na baka wala ka namang paki-alam sakin, gusto mo lang ng makikinig sayo. Tapos naiisip ko, wala ka namang rason para magka-pakialam sakin kasi wala naman akong kwenta. Biglang hindi ko nagustuhan ang sarili ko. Bigla akong naging mahina. Nagkasakit ako ng sampung araw, at hindi pa ako nagkakasakit simula grade 3 ako. Nawalan ako ng 7 pounds. Hindi ko maintindihan ang mga napag-iisipan ko sa utak ko. Hindi ako makatulog, hindi ako makakain. Nawalan nako ng gana makipag-usap sa ibang tao. Parang ayaw ko na kung sino ako. Nawalan ako ng kumpiyansa. Kinukumpara ako ang sarili ko sa lahat ng babae, at laging mas nakakalamang sila sakin. Mas maganda sila, mas nakakatuwa kasama, mas matalino, mas maraming talento at mas masayahin. Hindi ako magtataka, kung iiwan mo ako.


Tapos iniwan mo nga ako.


Naglandslide ambuhay ko. Bigla akong maging makahiyang tumutubong sa canal. Inaapak-apakan. Siguro, hindi talaga ako nalulungkot dahil hindi mo ako minahal. Siguro nalulungkot lang ako, kasi nung iniwan mo ako, kinumpirma mo na kaiwan-iwan nga ako. Na pangit ako, na nakaka-irita ang ugali ko, na madali akong palitan. Na hindi ako ka-akit akit. Oo, siguro hindi naman talaga ito tungkol sa pag-ibig. Tungkol talaga ito sa sarili ko, at sa tingin ko sa sarili ko. Tungkol sa kumpiyansa ko na bigla nalang nawala ng parang bula. Wala kang kasalanan. Wala. Tungkol lang lahat ito sakin, kasi isa akong sakim. Dahil isa akong mahina. Pasensya na kung sinisi kita.


Naging mahalaga ka sakin kasi ikaw ang nagtulak ng paglisan ng kumpiyansa ko sa sarili ko. Wala ka palang kasalanan. Kailangan ko lang ng masisisi, at pasensya na kung naging ikaw yon. Kasi isa pala akong self-centered bastard, at sobrang laking bagay na biglang nilamon ng pag-iisip ko sa isang taong tulad mo ang kumpiyansa ko sa isang iglap. Hindi pala ito dahil sa pag-ibig. Masyado pala akong sakim para maintindihan ang pag-ibig. Gusto ko lang pala na mahalin ang sarili ko ulit. Gusto ko maging malakas. Dahil nung nakilala kita, naging isa akong mahina. Alam ko ambabaw, an timang, an sakim, at lahat-lahat pa. Pero ito talaga yung totoo. Na ang kwento natin ay hindi talaga pag-ibig. Kunwari lang pala. Wala lang, puro ako AKO AKO lang, at ang naging epekto mo sa tinatawag kong ako. Wala eh. Ganun talaga eh. Hindi lang talaga siguro ako pinanganak na mabait.


Pasensya na, kasi kasalanan ko talaga ang lahat. Ito ay tungkol lamang sakin, at sa aking pagiging makasarili. Pinangako ko sa sarili ko noon, simula noon, hindi na ako muli titingin sa lalaki hangga't hindi ko pa minamahal ang sarili ko. Oo, ganun yun kasakit. Ito ang naging epekto mo sakin.


Hanggang ngayon, hindi ko parin mahal ang sarili ko. Pero salamat naman kasi nabitawan ko na ang kapit ko sa pride ko kahit kaunti lang. Kasi iniisip ko na kung ano ba talaga ang tama at ang mali, at minamahal ko narin ang mundo sa paligid ko at ang mga tao sa mundong ito. Sa ngayon, may ideya na talaga ako kung ano ang tama at ang mali. Tama na magpakatotoo. At tamang kahit na likas akong makasarili, ang bawat galaw ko ay para sa kapakanan ng mga tao sa paligid ko, sa mundo ko, dahil mas mahalaga na ito sakin ngayon. Yung paninindigan ko ngayon, alam kong ito na ang paninindigan ko habang buhay. Sinisikap ko narin maging isang mabuting anak ng pinaka Makapangyarihan. Hindi dahil gusto kong pumuntang langit, kundi dahil gusto ko eh.


Hindi ko parin mahal ang sarili ko, hindi ko parin kilala ang sarili ko. Mahina ako. At napaka dali kong masaktan. Pero alam kong mas malakas na ako ngayon kesa sa dati, at panatag ako na matututo rin akong mahalin ang aking sarili balang araw. Sinisikap ko. Lahat ng ginagawa ko ay partly patungo doon.


At dahil dito, gusto kong humingi ng patawad. Dahil sinisi kita, pinag-isipan kita ng masama. Pero muka lang akong timang dahil itong problema ko ay kathang-isip ko lamang na hindi naman talaga totoong problemang tulad ng mga nagugutom at may aids sa mundo. Salamat kasi alam kong pinapatawad mo ako.


Ito yung rason, kumbakit ako umiyak. Kasi nung niyakap mo ko, bumalik sakin ang lahat ng pagkakataon na nagmuka akong timang dahil masyado akong mahina. Bumalik yung dati kong sariling akala kong matagal ko ng pinaslang. Ito rin yung rason kumbakit hindi ko na kayang maging kaibigan ka. Kasi mahina ako. Isa akong mahina. Madali akong masaktan. Hindi ko parin kayang harapin ka.


Umiyak ako buong gabi at nung umaga pagkatapos nun.


Salamat kasi binago mo buhay ko. Alam kong dati makasarili ako, at mababaw lang ang mga driving forces ko, at mahina akong tao, at nakakasuklam yon, at medyo ganun parin ako (pero kaunti nalang) pero yun talaga yung totoo eh. Ayoko na magsinungaling. Lagi ko nalang kasi pinagsisinungalingan ang sarili ko. At siguro, utang ko rin talaga sa iyo ang katotohanan.


Inuulit ko, napaka halaga mong parte ng buhay ko. Salamat at patawad.


[o1.o9.2k7 || Ang Huling Palanca|| Mithi. ] 9